28
ukay-ukay
By

P2-M halaga ng ukay-ukay nasabat ng Customs

Sharing is caring!

Nasamsam ng Bureau of Customs (BOC) sa Manila International Container Port (MICP) ang isang 40-footer container na naglalaman ng mga ukay-ukay na nagkakahalaga ng P2.1 million.

Ayon kay BOC Commissioner Isidro Lapeña, galing Hong Kong ang kargamento na idineklara bilang personal effects at household goods.

Nadiskubre umano na ukay-ukay pala ang laman ng kargamento nang ito ay isailalim sa x-ray scanning.

Dahil dito, isinailalim ng mga Customs examiner sa physical examination ang container na kargamento ng Proline Logistics Phils. Incorporated na nakabase sa Binondo, Maynila.

Nag-isyu na si MICP District Collector Atty. Balmyrson Valdez ng alert order laban sa kargamento para hindi ito mailabas ng MICP.

Sasailalim umano ang shipment sa seizure at forfeiture proceedings dahil sa paglabag sa Republic Act No. 4653 o An Act to Safeguard the Health of the People and Maintain the Dignity of the Nation.

Sa nasabing batas, ipinagbabawal ang pag-aangkat ng mga lumang damit at basahan.

Ayon pa kay Lapeña, nakagawa rin ng paglabag ang importer ng kargamento sa Customs Modernization and Tariff Act dahil sa misdeclaration ng nilalaman ng shipment.

“We will be filing charges against the importer and broker involved in the illegal importation of prohibited goods. And if warranted, we will suspend their Customs accreditation,” saad ni Lapeña.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?