58
views

By

P2-M halaga ng marijuana naharang sa bus terminal

Sharing is caring!

Nabigong maibiyahe ang umaabot sa P2 milyong halaga ng high-grade marijuana ng isang pampasaherong bus mula pa sa Mt. Province nang masabat ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) sa isinagawang operasyon sa isang terminal sa lungsod kanina.

Sa ulat ni QCPD Director, P/Chief Supt. Joselito Esquivel Jr., alas-11:00 ng umaga nang makumpiska nila ang isang kahon ng marijuana mula sa CODA Bus Line Corporation na may terminal na matatagpuan sa Total Gasoline Station sa E. Rodriguez, Sr. Avenue.

Ang pagkakumpiska sa marijuana ay dahil na rin sa nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ng District Drug Enforcement Unit, District Intelligence Division at Philippine Drug Enforcement Agency hinggil sa naturang shipment na nakapangalan sa isang Apollo Arnaiz.

Agad na nagsagawa ng operasyon ang mga awtoridad at binantayan ang nasabing shipment ng marijuana, na tinangka pang itago sa pamamagitan ng paglalagay dito sa isang TV box.

Tinangka pa umanong ipabalik ng claimant ang shipment sa Bontoc at itinext ang CODA management na babayaran na lamang ang shipping charges sa pamamagitan ng money remittance service.

Nang malaman naman ng mga awtoridad ay agad nang kinumpiska ang kontrabando at nang buksan ay tumambad ang high-grade marijuana na nagkakahalaga ng mahigit P2 milyon. (Dolly B. Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?