25

By

P2.2M halaga ng shabu, nasabat sa Cebu

Sharing is caring!

Umaabot sa P2.2 milyong pisong halaga ng ‘shabu’ ang nasabat sa ikinasang magkahiwalay na operation ng anti-narcotics ng Cebu City Police Office-Drug Enforcement Unit (CDEU), kahapon ng madaling araw.

Nakilala ang mga naaresto na sina Joey Rafael Rallos, 35-anyos, ng Jakosalem St. at Jowelyn Gastador Compuesto, 26-anyos ng Sitio Patag, Barangay Buot Taop.

Batay sa report, inaresto si Rallos bandang alas-singko ng madaling-araw sa likod ng simbahan ng Sacred Heart Church at nakuhanan ng 155 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P1.8-M.

Ayon kay CDEU Chief Chuck Barandog, nakukuha ni Rallos ang mga iligal na droga mula sa kanyang supplier sa Maynila na kung saan ay kaya niyang ipakalat ang 500 gramo ng shabu kada linggo sa ilang parokyano sa ibang bahagi ng Cebu.

Samantala, nakuhanan naman ng 30 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P354,000 si Compuesto sa Sitio Patag.

Nakakapagbenta si Compuesto ng mahigit 50 gramo ng shabu kada lingo.

Kapwa nakakulong ang dalawang suspek sa Cebu City detention cell at nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?