33

Jan 6, 2021 @ 11:28
By

P1M ang gastos! Win na-hack sa Food Panda

Bad trip si Senator Sherwin Gatchalian nang malaman niyang na-hack ang kanyang credit card kahapon at ginamit sa pag-order ng isang milyong piso halaga ng pagkain sa Food Panda.

“My credit card has just been hacked! May nag order ng P1M worth of food sa Food Panda in less than an hour. Ano yan lauriat para sa buong barangay???” tweet ng senador, Enero 6 ng umaga.

Ang mga order sa Food Panda ay nangyari nung January 5, 2021 mula 4:47 ng hapon hanggang 5:49 ng hapon.

Ang unang order ay para sa P96,625. Ang sumunod na order ay ginawa ng 4:56 ng hapon at nagkakahalaga na ng P323,247; ang pangatlo ay nangyari ng 5:11 ng hapon at nagkakahalagang P356,517, at ang huli ay noong 5:49 ng hapon at P300,851 ang halaga.

Matapos mamangha ang netizens sa credit limit ng senador, nagtaka na ang marami kung paano ito nangyari dahil dapat magtetext muna ang vendor ng one-time pin (OTP) sa cellphone ni Gatchalian at itetext niya dapat ang OTP para matuloy ang transaksyon. Hindi tinukoy ni Gatchalian kung alin ang kanyang credit card company sa tweet.

Sabi ng senador, pinalitan ng hacker ang kanyang registered phone number kaya nakuha agad ang mga OTP.

“He knew what he was doing. I just don’t know how he will eat a million worth of food,” tweet pa ni Gatchalian.

Para sa mga bangko kasama na ang credit card companies, ibang uri ng pangangalaga at pagmamanman ang ginagawa sa accounts ng mga big time na personalidad kasama na ang ilang mga politiko na napapaloob sa kategoryang politically exposed personalities o PEPs.

Tweet ni Irish Sarmiento, “Food Panda delivers using motorbikes. May catering vans ba sila. Ano ba yan, di sila nagtaka ganyan kalaki ang orders.”

Hirit pa ni Jay @Jay2dw0rldd, “saka nag pproces ng food worth 300k ang Food Panda? Saan isasakay? May Food Panda Van ba?”

Hiningi ng Abante ang panig ng Food Panda sa pangyayari ngunit wala pa itong pahayag as of press time.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?