14

Jun 14, 2021 @ 11:22

P1B shabu nakulimbat, 2 Chinese arestado

Nadakip ang dalawang Chinese na nahulihan ng aabot sa P1B shabu sa kinasang magkahiwalay na anti-drug operation sa Cavite at Parañaque City.

Kinilala ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) director general Wilkins Villanueva ang suspek na si Man Kuok Wong alyas ‘Jose Baluyot Wong’, ang kanilang naaresto sa Imus, Cavite.

Isinagawa ang buy-bust operation para kay Wong noong Linggo, bandang alas-4 ng hapon, kung saan nakuha sa kanya ang 117 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P795M.

Bistado naman si Zhizun Chen sa isang parking lot ng supermarket sa Baclaran, Parañaque kung saan nakuha naman dito ang P251M halaga ng 38 kilo shabu na nakapuslit sa tea bag.

Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) chief, Maj. Gen Vicente Danao, na-turnover na sa PDEA ang mga ebidensya laban sa mga suspek.

“Napakalaki ng naging operasyon ng mga ahensyang nagsama sama upang masabat ang nasabing halaga ng hinihinalang shabu. Ang ganitong kooperasyon at koordinasyon ang susi upang higit na marami pa tayong makumpiska at mahuling tulak at source sa ating bayan,” lahad ni Danao.

Mananagot ang dalawang Chinese sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?