42
P19B trust fund ng mga OFW, baka kupitan ng ilang politiko - Drilon
By

P19B trust fund ng mga OFW, baka kupitan ng ilang politiko – Drilon

Nangako si Senate Minority Frankin Drilon na kanyang tututulan ang anumang tangkang paggamit sa P19 bilyong trust fund ng mga overseas Filipino worker (OFW).

Sa pagdinig ng Senate committee on Labor and Employment sa panukalang pagbubuo ng Department of Overseas Filipino Workers, nagtataka si Drilon kung bakit nagbago ang posisyon ng Department of Labor and Employment (DOLE) na nauna nang kinontra ang naturang proposal.

Noong 17th Congress, tinutulan ng DOLE ang pagbubuo ng hiwalay na Department of OFWs.

“Does the plan to create a separate Department of overseas Filipino workers have anything to do with the disposition of the P19 billion trust fund?” tanong ni Drilon.

Sabi ni Drilon, ang OFW trust fund ay nasa pangangalaga ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at pinapangasiwaan ng Board of Trustees. Ang trust fund at inaasahang lalago ng P40 bilyon sa susunod na sampung taon.

Ayon kay Drilon, kung bubuo aniya ng hiwalay ng departamento para sa OFWs, posibleng magamit ang pondo ng OFW at malamang mapunta pa sa ilang politiko.

“Whoever will have control of this department being proposed to be created will have in his control P40-B in 10 years time,” ani Drilon.

“It is even beyond the scrutiny of Congress, because the Congress delegated to the Board of Trustees the disposition of these public funds contributed by OFWs,” dagdag pa nito.

Maging sina Senador Joel Villanueva, chairman ng komite, at Senadora Nancy Binay ay kinuwestiyon ang pagbabago ng posisyon sa nasabing panukala.

“What has changed? For the longest time, the mindset is not to create a separate department for OFWs,” tanong niya.

Sa naturang pagdinig, walang nailatag na dahilan sina Labor Undersecretaries Ciriaco Lagunzad at Jacinto Paras para ma-justify ang pangangailangan para sa pagbuo ng OFW department gayundin ang biglaang pagbabago ng kanilang posisyon sa nasabing panukala.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?