69

Dec 6, 2017 @ 15:11
By

P17-M puslit na kargamento, naharang ng BOC

Nasamsam ng Bureau of Customs (BOC) ang P17.5 million na halaga ng puslit na mga kargamento mula sa China sa Port of Manila.

Ayon kay BOC Commissioner Isidro Lapena, ang apat na shipment na mula sa China ay naglalaman ng mga pekeng G-shock watches, sapatos, bigas, dalawang heavy equipment, ukay-ukay at iba pang mga general merchandise.

Kasama sa mga consignee ng apat na magkakahiwalay na kargamento ang ACC Trading na nakabase sa Tondo, Maynila; Alcambaras Trading Corporation na nakabase sa Malate, Maynila; Melwinjay Trading na naka-base sa Escolta, Maynila at Pricewater Trading na may tanggapan sa Binan, Laguna.

“Melwinjay’s and Pricewater’s misdeclaration was found out during x-ray examination while an alert order was issued by the District Collector on ACC and Alcambaras,” saad ni Lapeña.

Nilabag umano ng mga consignee ang Section 1400 ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), Intellectual Property Law at Republic Act 4653 na nagbabawal sa pag-aangkat ng ukay-ukay.

Sinabi naman ni Ernelito Aquino, Collector Lawyer ng Port of Manila, na nakatakdang imbestigahan ng Law Division kung ano ang lawak ng pananagutan ng mga nasa likod ng kargamento na nadiskubreng mga “misdeclared.” (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?