16

Jul 2, 2020 @ 14:03
By

P160M kinitang interes ng SAP fund ipamahagi rin – solon

Tantiya ni Bagong Henerasyon Party-list Bernadette Herrera kumita na ng hindi bababa sa P160 milyon interest income ang P100 bilyon Social Amelioration Program na hindi pa ipinapamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) hanggang ngayon na nakadeposito sa bangko.

Ayon sa lady solon, kung ang pagbabatayan ang Land Bank savings account interest rate hindi bababa sa P160 milyon interest income ang kinita ng P100 billion sa loob ng dalawang buwang na nakadeposito ito.

Dahil dito, iginiit ni Herrera na dapat isama na ring ipamahagi bilang ayuda ang kinitang interes.

Hindi umano bababa sa 20,000 dagdag na beneficiary ng SAP ang matutulungan kapag ipinamahagi sa kanila ang interest income ng P100 bilyon.

Hiniling pa ni Herrera na dapat magkusa na ang Land Bank at iba pang bangko kung saan nakadeposito ang SAP funds, na isapubliko kung magkano ang eksaktong halaga ng interest income at magkano ang hindi pa naipamahagi na DSWD SAP funds na nakadeposito pa rin sa kanila.

Makakatulong umano ito upang maibsan ang paghihirap ng maraming pamilya kung mapapakinabangan ang interest.

“Those are funds meant for the beneficiaries, not for anyone else, so they must be spent as intended in the Bayanihan To Heal As One Act,” dagdag ni Herrera.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?