35

Sep 8, 2021 @ 20:15
By

P16.3B lump sum fund ng NIA sinita ng solon

Sinita ni House Deputy Minority Leader at Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate ang P16.3 bilyong lump sum fund ng National Irrigation Administration (NIA) para sa 2022.

Sa deliberasyon ng House Committee on Appropriations ngayong Miyerkoles, sinabi ni Zarate na maituturing na pork barrel ang lump sum fund na nakalagay sa budget ng NIA.

“Sa 2022 budget, paliit nang paliit ang pondo ng NIA pero napansin po namin Mr. Chair, napakarami pong lump sum a total of P16,364,463,000 lump sum… wala ho itong itemized, nakalagay lang doon restoration of national irrigation system P4.2 billion, climate change adaptation work P1.8 billion, repair of national irrigation system P3.6 billion, and many more,” sabi ni Zarate.

Nagbabala si Zarate na mapunta ang budget para sa mga indibidwal na malapit sa Palasyo.

Ipinaliwanag naman ni NIA Deputy Administrator C’zar Sulaik na naka-line item ang pagkakagastusan ng naturang pondo sa isinumite nilang budget proposal sa Department of Budget and Management (DBM).

Pero nang lumabas umano ang kopya ng National Expenditure Program (NEP) ay hindi na ito naka-line item.

Nangako naman si Sulaik na magsusumite ng kopya ng breakdown ng pagkakagastusan ng pondo.

Umaasa naman si Zarate na isusumite ang kopya bago ang plenary deliberation ng budget.

“Sabi ko nga Mr. Chair kung wala sa NEP ay pwede talagang maging diskresyon ang implementation nyan pag hindi siya naka-line item,” dagdag pa ni Zarate.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?