24
marijuana
By

P14.3M halaga ng marijuana sinunog sa Danao, Cebu, 6 arestado

Umabot sa P14.3 milyong halaga ng marijuana ang binunot at sinunog ng awtoridad sa dalawang magkahiwalay na plantasyon sa Danao City, Cebu, Martes, na ikinaaresto ng anim na suspek.

Sa ulat na pinarating sa midya kahapon, sinalakay kahapon ng Danao City Police Station at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Central Visayas sa dalawang plantasyon ng marijuana sa Barangay Licos at Langosig sa nabatid na lungsod.

Unang pinuntahan ng awtoridad ang may 500 metro kuwadradong plantasyon ng marijuana sa Barangay Licos dakong alas-7:30 ng umaga kung saan binunot nila ang mga full-grown marijuana na nagkakahalaga ng P4.1 milyon at 4,000 seedling na may halagang P160,000.

Nadakip din sa nasbaing operasyon ang apat na magsasakang sinasabing nagsu-supply ng mga iligal na halamang gamot sa mga kustomer na karamihan ay taga-Maynila.

Kinilala ang mga nadakip na suspek na sina Benjie Salde Depositario, Inocentes Juntilla Depositario, Berting Salde Depositario, at Melvin Salde Depositario. Nasamsam din sa mga ito ang isang kalibre .45 baril at mga bala.

Sunod namang sinalakay ng awtoridad ang mas malaking plantasyon ng marijuana sa Barangay Langosig dakong alas-nuwebe ng umaga kung saan binunot nila ang tinatayang 25,000 full-grown marijuana plants na may halagang P10 milyon.

Dalawang magkapatid na suspek naman ang naaresto rito na nakilalang sina Jay Basalo Acidillo at Jhosar Basalo Acidillo, parehong nasa drug watchlist ng pulisya at PDEA Region 7.

Kasalukuyang nakapiit ang mga suspek sa Danao City PNP detention cell habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa mga ito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?