95

Sep 6, 2019 @ 17:29
By

P13B ayuda ibigay sa mga magsasaka – Pangilinan

Para makabangon ang mga magsasaka sa bumabagsak na presyo ng palay, pinaamyendahan ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan ang Rice Tariffication Law kung saan dapat payagan ang agarang pagpapalabas ng P13 bilyon agarang cash assistance para sa kanila.

Sa inihaing resolusyon ni Pangilinan, inilatag nito ang dalawang posibleng pagkunan ng direct cash transfer para sa mga rice farmer.

Una, ang balanse pang P4 bilyon mula sa P10 bilyong inilaan para sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) sa ilalim ng unprogrammed appropriations ng 2019 national budget.

Pangalawa, ang P9.19 bilyon na kinokolekta mula sa kita sa taripa sa rice importation mula Marso hanggang Agosto ng taong ito.

“Emergency ang kalagayan ng ating mga magpapalay at ng rice industry. At meron namang pera na pwede nang ipamahagi sa mga hirap na hirap nang mga magsasaka natin,” sabi ni Pangilinan.

Noong Huwebes, ilang mga resolusyon ang inihain sa Senado para maamiyendahan ang Rice Tariffication Law.

“Maipapakita nitong joint resolution na kinikilala nating mga nasa lehislatura at ehekutiba na malala ang kalagayan ng ating mga magpapalay at kumikilos tayo para ibsan ang kalagayang ito,” sabi ng senador.

Binigyaang-diin pa ni Pangilinan na hindi sapat ang inilaan ng Department of Agriculture na P1.5 bilyon para sa P15,000 pautang para sa mga rice farmer na naapektuhan ng Rice Tarrification Law.

“But this program is only for those farming one hectare and below, affecting only about 100,000 of the 2.11 million Filipino rice farmers,” ani Pangilinan.

“Hindi ito sapat. At paano pa yung nakikisaka lang na siyang pinaka-nangangailangan ng tulong,” saad pa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?