15

By

P12M halaga ng puslit na sibuyas, nasabat ng Customs

Sharing is caring!

Nasabat ng Bureau of Customs (BOC) ang P12 milyon na halaga ng puslit na sibuyas sa Manila International Container Port (MICP).

Ang shipment na laman ng anim na 40-footer container ay ininspeksyon ni BOC Commissioner Isidro Lapeña.

Ayon kay X-ray Inspection Project (XIP) Office Chief Atty. Zsae Carrie de Guzman, idineklara ang shipment na galing ng China bilang mga sariwang mansanas.

Dumating ang mga kargamento noong Agosto 14 at ito ay naka-consign sa ASD Total Packages Enterprises Incorporated.

Kaugnay nito, sinabi ni Lapeña na kaagad inirekumenda ng XIP Office ang pagpapalabas ng alert order sa Office of the District Collector ng MICP.

Inihahanda na ang kasong paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act laban sa may-ari ng ASD Total Packages Enterprises Incorporated at laban sa customs broker na si Michael Miranda Sumile na nagproseso ng shipment.

Mahaharap din umano sila sa reklamong paglabag sa Republic Act 10845 o Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016.

“I have already ordered for the revocation of the accreditation of the consignee and the customs broker involved. Again, I am warning all unscrupulous traders, stop your smuggling attempts. I will definitely catch up with you,” saad ni Lapeña.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?