77

By

P120-M halaga ng shabu na galing sa California, nasamsam sa Clark

Sharing is caring!

Iprinisinta sa media ng Bureau of Customs (BOC) ang 17.7 kilo ng shabu na nasamsam sa Clark Freeport Zone kahapon.

Ayon kay BOC Commissioner Isidro Lapeña, ang iligal na droga na nakalagay sa apat na kahon ay dumating sa Clark noong Hunyo 5 at ang mga ito ay idineklarang mga upuan.

Nagkakahalaga umano ang iligal na droga ng P120.36 million na galing ng California.

Nadiskubre umano na droga ang laman ng apat na parcel matapos lumabas sa X-ray examination na naglalaman ang mga ito ng organic substances.

Dahil dito, minarapat ng BOC na isailalim ang mga pakete sa 100 percent examination at ipasuri ang mga ito sa mga sniffing dog.

Bunsod nito, nakumpirma ngang droga ang laman ng mga pakete.

Sa pagsusuri ng PDEA, lumabas na ang shipment ay pawang shabu.

Ayon pa sa BOC, nakapangalan ang apat na parcel kina Christian Santillan Frias, Robert Alejandro Nazareno at Dominic Espinosa Gallardo na pawang mula sa Quezon City af isang Gina Fernandez.

Ang nakapangalang sender o pinanggalingan naman ng mga parcel ay sina Rania Frias, Maria Nazareno, Vanessa Gallardo at Rania Fernandez.

Para matukoy kung sino ang nasa likod ng shipment, minarapat ng BOC at ng PDEA Regional Office III na magsagawa ng controlled delivery kung saan hinintay nila na may mag-claim sa mga pakete.

Isa ang naaresto sa controlled delivery na kinilalang si Everlyn Lunzaga na tumanggap ng parcel na naka-consign kay Nazareno.

Arestado na ngayon si Lunzaga at ayon kay Atty. Gil Pabilona, Director ng PDEA Region III, inihahanda na nila ang kasong importation of dangerous drugs laban kay Lunzaga.

Naghihinala naman si Lapeña na isang international drug cartel ang nasa likod ng apat na parcel.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?