245

Jul 6, 2021 @ 17:47
By

P11 trillion utang ng ‘Pinas kayang bayaran – Palasyo

Kayang bayaran ng gobyerno ang malaking panlabas na utang ng Pilipinas na nagkakahalaga ng P11 trilyon.

Ito ang tiniyak ng Malacañang kasunod ng ulat na umaabot na sa P11 trilyon ang nauutang ng gobyerno mula sa iba’t ibang dayuhang financial institutions dahil sa pagtugon sa COVID pandemic.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na malaking tingnan kung tutuusin ang P11 trilyon pero kalahati lang iyan kumpara sa utang ng ibang mga bansang ka-level ng Pilipinas.

“Malaki pong tingnan ‘yan, but we are in the mid-range at wala naman pong problema iyan pagdating doon sa ating kakayanan na magbayad as they fall due,” ani Roque.

Maingat aniya ang economic team sa pangunguna ni Finance Secretary Carlos Dominguez at hindi ito gagawa ng hakbang kung inaakalang hindi kakayanin ng gobyerno ang mga desisyon lalo na sa usaping pampinansiyal ng bansa.

“Alam n’yo po very conservative ang ating economic team headed by Secretary Dominguez. Iyong ating naiulat na external debt ngayon, iyan po ay nasa mid-range kung ikukumpara natin sa mga ekonomiya na kasinlakas natin, kagaya ng iba’t ibang ekonomiya ng Latin America,” dagdag ni Roque.

Batay sa pahayag ng Bureau of Treasury, umabot na sa 11 trillion mark ang nauutang ng gobyerno nitong buwan ng Mayo para tustusan ang pagtugon sa COVID pandemic.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?