52

Feb 29, 2020 @ 15:03
By

P10K premyo sa photo competition sa San Juan

Inaanyayahan ang lahat ng San Juaneño na lumahok sa photo competition na ibibida ang mga magagandang tanawin sa San Juan, litrato ng bawat event at larawan ng kilalang tao para sa pagdiriwang ng Araw ng San Juan.

May temang 20/20: Makabagong San Juan, gamit ang inyong smartphone ay kumuha lamang ng mga makahulugang larawan at may naka-abang na premyo sa mapipiling kalahok.

Ayon kay San Juan City Mayor Francis Zamora, malaking tsansa ito sa lahat ng mahilig kumuha ng larawan na kung saan ay magagamit ang mapipiling larawan at may malaking prizes na nakalaan para dito.

“Challenge ito sa mga mahihilig kumuha ng pictures dahil bukod sa makakatulong sila na mas ma-promote ang San Juan ay kikita pa sila,” ayon sa alkalde.

Base sa mechanics ng contest, ilagay ang photo entry sa social media accounts ng Facebook at Instagram gamit ang hashtag na #2020MakabagongSanJuan.

Mayroong 20 finalist ang makukuha at maaaring makasama sa gagawing exhibit sa San Juan City Hall at mabibida pa sa social media accounts ni Mayor Francis Zamora. Ang top three winners ay pipiliin ng official judges habang ang ‘People’s Choice Award’ ay mapipili sa pamamagitan ng pinakamaraming ‘likes’ sa Facebook o Instagram.

Makakatanggap ang 1st Place ng Php 10,000 plus Certificate of Recognition, 2nd Place Php 7,000 + Certificate of Recognition, 3rd place Php 5,000 + Certificate of Recognition at para sa special prize na People’s Choice Award ay mayroong Php 3,000 + Certificate of Recognition.

Nagsimula ang contest noong February 20 habang ang pagpapadala ng entry ay pag-post online hanggang March 13, 2020 lamang at ang exhibit for top 20 entry ay nakatakda sa March 16 at ang mapipili sa photo competition ay malalaman sa March 27, 2020 sa mismong Araw ng San Juan. (Vick Aquino)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?