245

Feb 17, 2020 @ 11:22
By

P10K para mapuslit ang mga Chinese sa ‘Pinas: ‘Pastillas’ modus sa BI, binuko ni Hontiveros

“Traydor sa bayan!” – Ito ang galit na pahayag ni Senador Risa Hontiveros kasabay ng kanyang pagbulgar sa ‘pastillas’ operation sa hanay ng Bureau of Immigration (BI) kung saan naniningil ang mga ito ng P10,000 kada Chinese national para sa mabilis na pagpasok ng mga ito sa bansa.

Sa pagdinig ng Senado kaugnay ng prostitusyon at trafficking sa Philippine Offshore Gaming Operator (Pogo), ipinakita ni Hontiveros ang video ng isang immigration officer na nag-eescort sa mga Chinese national patungo sa tanggapan ng BI para i-validate ang kanilang identity.

“Bakit parang may VIP escort itong mga Chinese national papasok ng bansa?” tanong ni Hontiveros, kasabay ng pagpapakita rin ng screenshots ng Viber group na naglalamat ng pangalan, flight details at litrato ng mga Chinese nationals.

“‘Wag na ‘wag niyong lolokohin ang taumbayan. Hindi standard procedure yan”, diin pa ng senadora.

Inilantad din ni Hontiveros ang mga litrato mula sa isang whistleblower ng cash distribution na tinatawag na ‘pastillas’ sa loob ng BI.

“Tinanong ko bakit pastillas ang tawag. Dati daw kasi, wala pang mga sobre so nilalagay sa bond paper at niro-rolyo na parang pastillas,” ayon kay Hontiveros.

“Ngayon, mas professional na: may sobre parang legit na pasuweldo, may bonus pag perfect attendance, at may pa-lunch pa mula sa mga Chinese,” dagdag pa nito.

“Ayon sa aming informant, mas lumakas ang ganitong modus dahil sa libu-libong mga POGO worker na dumarating sa bansa araw-araw,” sambit pa nito.

Idinetalye din ni Hontiveros ang P10,000 service fee kada Chinese national na pumapasok sa bansa, kung saan P2,000 lang ang talagang napupunta sa airport immigration.

“Nasaan na yung 8,000 pesos? Ayon sa aming informant, distributed na, bago pa man makarating sa airport: sa Chinese tour operator, sa ka-kontratang local tour operator, at sa sindikatong magdo-downstream sa airport,” pagbunyag pa ng senadora.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?