81

May 11, 2021 @ 14:06
By

P10K dapat! Cayetano tutol sa P1K ayuda

Hindi sang-ayon si dating Speaker Alan Peter Cayetano sa itinutulak na panukala ng liderato ng Kamara de Representantes na magbigay ng P1,000 bawat Pilipino sa ilalim ng Bayanihan to Arise As One (Bayanihan 3).

Ayon kay Cayetano tulong ang kailangan ng pamilyang Pilipino kaya ang dapat ibigay dito ay tig-P10,000 cash aid.

“Hindi limos ang hinihingi ng ating mga kababayan,” sabi ni Cayetano “Tulong, dahil extraordinary ang problema.”

Sinabi ni Cayetano na kasya rin sa tig-P10,000 tulong ang P216B financial aid na inilaan sa Bayanihan 3.

Noong Pebrero, inihain ni Cayetano at kanyang mga kaalyado ang panukala na bigyan ng tig-P10,000 ang bawat pamilyang Pilipino o P1,500 bawat indibidwal alinman ang mas malaki.

Ang panukala ay isinama sa Bayanihan 3 na akda ni Speaker Lord Allan Jay Velasco subalit inalis ang panukalang P10,000 ayuda.

Nanawagan si Cayetano sa publiko na hingin ang tulong ng kanilang mga kongresista upang maipasa ang panukala.

“Ligawan po natin ang ating mga kongresista,” dagdag pa ni Cayetano.

Naniniwala rin si Cayetano na hindi ibi-veto ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukala kung ipapasa ito ng Kongreso.

“Nandun ako sa Gabinete noong ginawa ‘yung Free Education (Act). Iyon din ang sinabi. Pero nung nakita ng Pangulo na may pera, nakita niyang maganda ang programa, laban,” wika pa ng kinatawan ng Taguig-Pateros.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?