145

Oct 17, 2017 @ 14:16

P107M, ‘di lang P100M ang pasalubong kay Faeldon sa Customs

Hindi P100 milyon kundi P107 milyon ang natanggap umano ni dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon na “pasalubong” nu’ng maupo sa Bureau of Customs (BOC).

Sinabi ni Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson, nalaman niya ito mula kay Customs Commissioner Isidro Lapena na pumalit kay Faeldon.

Ayon sa senador, bago ganapin ang pinakahuling pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ukol sa katiwalian sa Customs, kinausap siya ni Lapena at ibinahagi ang napag-alaman ukol kay Faeldon.

Sinabi umano ni Lapena na kabilang sa pinanggalingan ng nasabing P107 milyon umano ni Faeldon ang tax credit certificates ng malalaking kumpanya.

Sa pagdinig ng Senado, sinabi ni Lapena na pinagkakitaan ng mga nasa BOC ang release ng tax refund ng mga kumpanya na may mga parating sa adwana.

Nalaman lang niya na iyon ang pinanggalingan ng pasalubong at tara nu’ng timbrehan ng isang opisyal sa BOC.

Matatandaan na sa isang privilege speech sinabi ni Lacson na napag-alaman niya sa mga sources na tumanggap si Faeldon ng P100 milyon pagkaupo sa Customs.

Bukod pa umano ang naging regular at lingguhang tara o lagayan sa Customs.

Mariin na itong itinanggi ni Faeldon na hanggang sa ngayon ay nakakulong sa Senado dahil ayaw humarap sa mga pagdinig ng kapulungan. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?