19

May 17, 2021 @ 14:45
By

P100M kada buwang ayuda ng Palasyo sa PGH, hindi lahat nagagamit

Hindi lahat ng naipangakong P100M kada buwan mula sa Presidential social fund ang nagagamit ng Philippine General Hospital (PGH).

Ito ang nilinaw ni PGH director Gap Legaspi sa press briefing sa Malacañang.

Ayon kay Legaspi, P25M lamang ang nagagamit ng PGH dahil sa tinatawag na absorptive capacity.

Sapat naman aniya ang nabanggit na halaga para tustusan ang pangangailangan ng mga pasyente at gastos sa operasyon ng PGH.

“Ang naging regular na monthly support eh umabot ng P25 million po, that’s substantial to our operations and subject to liquidation ang renewal of contract,” ani Legaspi.

Wala naman aniyang naging problema sa tulong mula sa President’s social fund dahil tuloy-tuloy ito at ang hinihintay lamang nila ngayon ay ma-renew ang kontrata para sa tulong sa PGH.

“Sa ngayon ay hinihintay po naming ma-renew yung contract for the succeeding months. In the past years, 25 million a month ang naibibigay at diretsong pumupunta sa suporta sa mga pasyente,” dagdag ni Legaspi.

Matatandaang inihayag noon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang mga talumpati na P100M ang ibinibigay nito sa PGH kada buwan para matugunan ang pangangailangan sa pagpapagamot ng mga mahihirap na pasyente.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?