14

Sep 16, 2020 @ 15:45
By

P100M advance payment ng PhilHealth sa PRC, walang katiwalian – Gordon

Walang iregularidad at walang nalabag na batas ang advance payment ng Philippine Health Insurance Inc. (PhilHealth) sa Philippine Red Cross (PRC) para sa COVID test.

Ito ang sinabi ni PRC chairman Senador Richard Gordon sa gitna ng alegasyon ng maanomalyang advance payment ng PhilHealth.

Bawal umano sa auditing rules ng PhilHealth na magbayad ng advance dahil ang mandato nito ay mag-reimburse o magbayad para sa serbisyong nagawa na.

Sinabing may conflict of interest si Gordon dahil siya ang chairman ng PRC at chairman ng Senate blue ribbon committee na nag-imbestiga sa katiwalian sa state health insurer.

Paliwanag naman ni Gordon, may kontrata ang Red Cross at ang PhilHealth kung saan pinagbasehan nito ang batas na Bayanihan to Heal as One Act na nagsasabing partner ng pamahalaan ang PRC sa pagsasagawa ng COVID-19 test.

Nakasaad din sa Bayanihan 1 at sa iba pang mga patakaran ang P100 milyong advance payment kung saan pinpayagan ang PhilHealth na magbigay ng advance payment.

Ayon pa kay Gordon, wala siyang conflict of interest dahil wala naman siyang ‘share’ sa PRC na isang non-stock at non-profit organization.

Noong nagdaang taon pa aniya isinagawa ng Senate blue ribbon committee ang pagdinig sa isyu na iregularidad sa ahensiya at walang kinalaman sa pandemya.

Kasabay nito, hinamon din ni Gordon ang mga kumukuwestiyon sa kasunduan ng PRC at PhilHealth na maghain ng kaso laban sa kanila sa korte.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?