147

Nov 4, 2017 @ 15:53

P100K naabo sa plastic warehouse

Sumiklab ang sunog sa isang plastic warehouse sa Malabon City kamakalawa ng gabi.

Sa ulat ng Malabon City-Bureau of Fire Protection (BFP), ganap umanong alas-10:00 ng gabi nang mag-umpisa ang apoy sa warehouse ng plastic na matatagpuan sa Gabriel Subdivision sa Barangay Hulong Duhat ng nasabing lungsod.

Bago iyon ay isa umanong malakas na putok ang narinig ng mga residente sa lugar mula sa loob ng nasabing warehouse, dito na lumabas ang makapal na usok hanggang sa umapoy na.

Mabilis namang nakaresponde ang mga tauhan ng BFP maging ang ilang mga fire and rescue volunteers sa lugar.

Wala namang naiulat na nasawi o nasaktan sa nasabing sunog na mabuti na lamang umano ay walang tao sa loob ng warehouse nang maganap ang insidente.

Umabot sa ikalawang alarma ang sunog na idineklarang fire under control ng alas-10:30 ng gabi kasunod ng pagdedeklarang fire out ganap na alas- 10:45.

Malaking tulong din, ayon sa mga bumbero, na hindi kumalat ang apoy ang mga firewall sa bawat bahaging napapalibutan ng warehouse.

Sa ngayon ay kasalukuyan pa ring inaalam kung ano ang pinag-ugatan ng apoy, habang nasa mahigit P100,000 namang halaga ng mga ari-arian ang naabo sa nasabing sunog. (Cherk Balagtas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?