100

Dec 7, 2017 @ 12:48
By

P100M shabu, mga armas nakumpiska sa mga Parojinog, supporters

Nakumpiska ng mga tauhan ng Ozamiz City PNP ang 10 kilo ng pinaghihinalaang shabu na nagkakahalaga ng P100 milyon at sangkatutak na mga armas sa magkakasabay na pagsalakay sa mga tahanan ng mga kamag-anak at supporters ng mga Parojinog sa nasabing lungsod sa Misamis Occidental.

Ayon kay Ozamiz City Chief of Police, Chief Inspecto Jobie Espenido, ang kontrabando ay nakumpiska dahil sa pagpapatupad ng mga operatiba ng Ozamiz City Police Station ng search warrant sa mga tahanan ng mga suspek.

Inaresto sa operasyon sina Melodin Malingin at Gaudencio Malingin matapos marekober sa kanilang bahay ang walong plastic bags na naglalaman ng walong kilo ng pinaghihinalaang shabu at isang rolyong aluminum foil.

Nakuha naman sa tahanan ni Maychell Parojinog Gumapac, na nananatiling at-large, ang dalawang plastic bag na naglalaman ng dalawang kilo ng pinaghihinalaang shabu.

Mula naman sa bahay ni Manuelito, Rizalina at June Francisco na at-large din, narekober ang isang M4 Boost Master, tatlong short M16 magz, isang bandoler, 90 piraso ng live ammo ng M16, dalawang rifle grenade launcher, tatlong live ammo ng M203 grenade at 20 empty cartridge ng M16.

Habang nakuha sa bahay ni Ricardo Parojinog at Christopher Parojinog, na nananatiling at-large, ang isang M16 rifle, isang steel short magz, 19 live ammo ng 5.56 cal. at isang hand grenade. (Red Fortaleza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?