133
sahbu-kush
Apr 27, 2018 @ 13:29
By

P10-M shabu, ‘damo’ nasabat ng Customs sa toy packages

Isinilid sa mga laruang pambata ang higit sa P10 milyong halaga ng shabu at kush na tinangkang ipuslit sa Pilipinas.

Ayon kay Customs Commissioner Isidro Lapeña, magkahiwalay na dumating sa bansa ang dalawang kahon na pinaglagyan ng mga droga.

Bagama’t parehong galing sa California, USA ang dalawang kahon pero magkaiba ang nagpadala ng mga ito.

Dumating ito sa Pilipinas noong nagdaang buwan at idineklarang mga laruan.

Nakumpiska ang mga ito sa isa sa mga bodega ng Fedex na isinilid sa manika at sa mga building block toys.

Nakapangalan ang mga package sa isang Savannah Valdez ng General Trias, Cavite at Soncruz Medina ng Pasong Tirad, Quezon City.

Nagduda ang mga tauhan ng Customs dahil nang isalang sa X-ray machines ang mga manika ay dito nakita ang kahina-hinalang imahe na nakapalaman o nasa loob ng manika.

Ang isang kilo ng shabu at kush weeds ay itinago sa likod ng manika, habang sa lego toys nakasilid ang isa pang kilo ng shabu.

Sinabi ni Lapeña na maaaring ginawa sa Amerika ang dalawang kilo ng shabu ngunit maaaring ipinuslit lang din ito mula sa Mexico.

Ayon naman kay Gerald Javier, ng Philippine Drug Enforcement Agency-Ninoy Aquino International Airport, maaaring sinubukan lang ng mga sindikato na umangkat ng droga dahil sa matinding kampanya ng gobyerno kontra illegal drugs.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?