3
grab-ltfrb3
By

P10-M penalty balak palagan ng GRAB

Sharing is caring!

PINAG-AARALAN na ng Grab Philippines ang posibleng gawing aksyong-legal kaugnay sa P10 milyong multa na ipinataw ng LTFRB dahil sa paniningil ng karagdagang P2 kada minuto sa kanilang pasahe.

Sa ngayon pinaninindigan ng nangungunang transport network company (TNC) sa bansa na legal ang pagpatong nila ng P2 kada minuto para sa kanilang serbisyo.

Iginiit ni Grab Philippines Country Manager Brian Cu na ang karagdagang pasahe ay ayon sa Department Order 2015-011 na inilabas noon ng Department of Transportation.

Pumanig naman sa kanila si LTFRB Board Member Aileen Lizada at aniya sa kanyang opinyon ay may basehan ang istraktura ng pasahe ng Grab.

“The authority given the transport network companies to formulate their fare structure can be clearly seen from Department Order No. 2015-011 of the Department of Transportation,” ang isinulat ni Lizada sa kanyang dissenting opinion ukol sa desisyon ng LTFRB.

Sinabi nito na ang dagdag singil ng Grab ay ipinaalam sa LTFRB sa pamamagitan ng Office of the Chairman taliwas sa ibinahagi ng ahensiya sa kanilang resolusyon.

Noong nakaraang buwan, binigyan kapangyarihan na ni Transportation Sec. Art Tugade ang LTFRB na magtakda ng pasahe sa mga transport network companies (TNCs) kayat napawalang bisa na ang inilabas na kautusan noong 2015.

Binigyan ng 15 araw ang Grab para maghain ng mosyon at kapag ito ay ibinasura ay maari pa silang umapila sa DOTr.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?