7

Sep 15, 2021 @ 12:03
By

P1.9T nawawala sa ekonomiya sa pagsasara ng paaralan – Gatchalian

Inihayag ni Senador Win Gatchalian ang kanyang pagkabahala sa tinatawag niyang posibleng “education at economic scars” na maaaring dulot ng pagsasara ng mga paaralan dahil sa COVID-19 pandemic.

Kasalukuyang ipinapanukala ni Gatchalian ang pilot testing ng limited face-to-face classes sa mga low-risk areas.

Sa briefing ng Development Budget Coordinating Committee (DBCC) sa panukalang 2022 National Expenditure Program (NEP), ibinahagi ni Gatchalian ang isang 2020 report ng Asian Development Bank (ADB) kung saan tinatayang nagdulot ng pagkawala ng halos dalawang (1.9) trilyong piso o katumbas ng higit sampung porsyento ng Gross Domestic Product (GDP) ang pagsasara ng mga paaralan noong School Year 2020-2021.

“Hindi lamang ang mag-aaral ang nakakaranas ng ‘education scarring,’ pati ang ekonomiya natin napipinsala dahil sa productivity losses,” sabi ni Gatchalian sa matagal nang pagsasara ng mga paaralan.

Ayon kay Socioeconomic Planning Secretary Karl Chua, nilinaw ng National Economic and Development Authority (NEDA) ang mga numerong ito sa ADB.

Sabi ng ADB, maaaring mas mataas pa ang halaga ng pinsalang idinulot ng mahigit isang taon na pagsasara ng mga paaralan. Ayon naman sa NEDA, tinatayang labing-isang (11) trilyong piso ang maaaring mawala sa bansa sa susunod na apatnapung (40) taon dahil sa pagsasara ng mga paaralan.

Ibinahagi rin ni Gatchalian ang iba pang mga resulta sa pag-aaral ng ADB. Para sa mga mag-aaral ng K-12, ang kasalukuyang halaga ng nawalang productivity ay mahigit isang (1.68) trilyong piso.

Kung kalahati (50%) naman o dalawang daang libo (200,000) sa mahigit apat na raang libong (410,000) mga guro at kawani ng mga pribadong paaralan ang nawalan ng trabaho, ang kawalan ng sahod noong School Year 2020-2021 ay tinatayang aabot sa labing-anim (16) na bilyong piso.

Dahil may isang nakatatandang kinakailangang umalalay sa mga mag-aaral sa kanilang distance learning, labing-isang (11) porsyento ng workforce ang kinailangang huminto sa trabaho. Ito ay nagdulot ng pagkawala ng mahigit dalawang daang (225) bilyong piso sa ekonomiya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?