123

By

P1.3B naiwang pondo kay Zamora, kulang pang pambayad sa utang ng San Juan

Hihilingin ni San Juan Mayor Francis Zamora sa Commission on Audit (COA) na tignan ang tunay na financial status ng city government dahil sa malaking utang na ipinamana ng nakaraang administrasyon.

Sa kanyang ikalawang flag ceremony bilang alkalde ng San Juan Lunes ng umaga, iniulat ni Zamora sa mga empleyado na nag-iwan ng mahigit P1.3 bilyon ang nakaraang administrasyon bilang pondo subalit ang nasabing halaga ay kulang pa umano sa mga pambayad ng utang ng lungsod dahil sa mga na-bidded out ni dating Mayor Guia Gomez hanggang katapusan ng taon.

“Gusto ko malinawan kung anong financial course ng San Juan kaya imbitahin natin ang Commission on Audit Central Office suriin mabuti ang financial status, tandaan niyo wala ako inaakusahn dito at wala sinasabing mayroon corruption or anomalya sinasabi ko ito ang inabutan namin sa San Juan,” pahayag ni Zamora sa media interview pagkatapos ng flag ceremony sa city ng San Juan.

Dagdag pa ng alkalde, na ang P1.3 bilyon na pondo sa bangko ay nakaalokasyon sa mga proyekto katulad ng bagong city hall na may kabuuang P731 milyon ang halaga, P520 milyon dito ay mapupunta sa konstruksyon habang P43 milyon naman ay mapupunta sa furniture expenses, P500 milyon naman ang mapupunta sa ipinapagawang bagong San Juan Medical Centers, habang ang P300 milyon naman ay mapupunta sa trust funds, barangay at special education.

“Ang total general fund ay mahigit lamang P1 bilyon ngunit ang 2019 payables ay nagkakahalaga ng mahigit P600 million, kaya ang kabuuan ng naiwang pondo para sa 2019 ay humigit-kumulang P300 million na lamang,” paliwanag ni Zamora.

“Kung idadagdag natin ang mahigit P700 million na projected income para sa July hanggang December 2019, tayo ay magkakaroon ng total na projected fund balance na mahigit P1 bilyon, ngunit ang total projected expense mula July hanggang December 2019, base sa 2019 budget na ipinasa ay mahigit P1.1 billion. Kaya po ang magiging suma-total ng mga datos na ito ay lalabas na projected year-end cash position natin ay negative ng mahigit P100 milyon,” saad pa ni Zamora.

Samantala dumipensa naman si dating senador JV Ejercito sa kanyang inang si dating Mayor Guia Gomez, base sa Twitter account nito hinimok niya si Mayor Zamora na tignang mabuti kung paano ginastos ang pera.

“Sir, look at how it was spent, San Juan is financially sound. All the major infrastructure projects are almost completed. What’s important is the city can afford to pay,” saad ni Ejercito.

“I don’t think we will be a Seal of Good Local Governance Awardee if there is mismanagement,” dagdag pa ng dating senador sa kanyang Twitter account.

Sa isa pang hiwalay na tweet ni Ejercito na dati ring naging mayor ng San Juan bago naging senador, na ang rehabilitasyon at expansion ng San Juan Medical Center ay malapit nang matapos at lahat ng loans ay halos naipasok na lahat.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?