14
francisco-duque
May 25, 2018 @ 8:40
By

P1.16-B special fund para sa Dengvaxia victims, ikinatuwa ng DOH

Ikinalugod ng Department of Health (DOH) ang pag-apruba ng House Committee on Appropriations sa panukalang P1.26 billion na pondo para sa mga nabakunahan ng Dengvaxia.

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque, natutuwa sila sa positibong hakbang ng House Panel na aniya ay pakikinabangan ng lahat ng mga nagkasakit na Dengvaxia vaccinee pati na ng kanilang pamilya.

Tinukoy ng DOH na 81-percent sa pondo ay gagamitin para sa medical assistace program ng Dengvaxia-vaccinees; 13-percent naman ay para sa public health management at 6-percent ay para sa health development.

Ang Health Assistance Fund na paglalaanan ng mahigit 900-million pesos ay para sa mga nabakunahan ng Dengvaxia na magkakasakit at kailangang ma-confine sa ospital o magpakonsulta sa doktor.

Para naman sa public health management, kukuha ang DOH ng kabuuang 1,250 nurse para magsagawa ng profiling, pagmonitor, pagpapakalat ng impormasyon at para sa koordinasyon ng lahat ng mga vacinee kasama na ang kanilang mga magulang sa lahat ng mga health facilities at para sumagot sa mga tanong ng publiko sa pamamagitan ng hotline.

Ang mga kukuning nurse para sa Dengvaxia issue ay magtatrabaho sa loob ng tatlong buwan.

Para naman sa mga rehiyon kung saan ipinatupad ang anti-dengue immunization program kabilang na ang Metro Manila, CALABARZON at Central Visayas, 382 nurse ang kukunin ng DOH bilang mga Health Education and Promotion Officers na magtatrabaho hanggang 2019 pero ang pampasweldo ay kukunin na sa regular na pondo ng kagawaran.

Ang nasabing mga nurse ang magbibigay ng counseling, lecture at magbabantay sa mga isyung kakaharapin ng mga nabakunahan ng Dengvaxia.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?