22
boracay-mess
By

P.5-B tulong sa apektado ng Bora closure, ilalabas na

Sharing is caring!

Iniutos na umano ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapalabas ng halos kalahating bilyong piso o kabuuang P448 million sa Department of Labor and Employment (DOLE) para tulungan ang may 18 libong manggagawa na naapektuhan ng pansamantalang pagsasara sa Boracay.

Ito ang tinukoy ni DOLE Secretary Silvestre Bello III kasabay ng paliwanag na mula sa nasabing pondo kukunin ang cash assistance para sa mga formal worker na apektado ng rehabilitasyon ng isla.

Aniya, ang P448 million ay katumbas ng 50 porsiyento ng minimum wage ng mga rehistradong manggagawa na babayaran sa kabuuan ng suspensyon ng kanilang trabaho sa isla.

Ang pamamahagi ng cash assistance ay bahagi umano ng Boracay Emergency Employment Program para sa mga apektadong manggagawa sa Boracay.

Samantala, sinabi pa ni Bello na naglaan din ang gobyerno ng hiwalay na emergency employment program na pinondohan ng P52 milyon para naman sa mga informal sector worker.

Ang makikinabang sa programa ay ang mga transport worker, hauler, vendor at mga indigenous people na pansamantalang bibigyan ng trabaho sa loob ng 30 araw.

Sila ang magsasagawa ng coastal clean-up, clearing operation at reforestation sa mga mangrove site sa Boracay.

Kukuha rin ang gobyerno ng 200 kabataan para isailalim sa Government Internship Program kung saan sila ay sasanayin ng pamahalaan sa loob ng anim na buwan at bibigyan ng kompensasyon na katumbas ng 75 porsiyento ng umiiral na minimum wage sa Western Visayas.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?