223

Dec 21, 2017 @ 13:08
By

Ozamiz bishop nakiramay sa mga biktima ni Urduja

Nag-alay ng panalangin ang Archdiocese of Ozamiz sa mga nasalanta ng Bagyong Urduja.

Ayon kay Ozamiz Archbishop Martin Jumoad, nakahanda rin sila na tumulong sa mga residenteng naapektuhan ng kalamidad, partikular na sa Diocese of Naval sa Biliran na hinagupit nang husto ng bagyo.

Sinabi ni Arsobispo na batid nila ang paghihirap na dinaranas ngayon ng mga nabiktima ng kalamidad kaya naman ipinagdarasal nila na ang mga biktima ay maging mas matatag.

“Alam ko po na may mga tao na nagsa-suffer ngayon kasi sa Bagyo ng Urduja, we feel one with you in your pains and difficulties and in the midst of pains I know the Lord also is suffering and for that naaawa kami sa inyo at handang handa po kami para magbigay tulong sa mga biktima ng Typhoon Urduja so we pray for you, we assure you of our prayers,” ang turan ni Archbishop Jumoad.

Kasabay nito, nakiramay din si Jumoad sa pamilya ng mga nawalan ng mahal sa buhay nang dahil sa baha at landslide.

Aniya, alam niya ang masakit na yugtong pinagdaraanan ng mga namatayan ng kaanak kaya kasama sa kanilang hinihiling sa Panginoon ang mabigyan sila ng lakas ng loob para harapin ang hamon sa buhay at malagpasan ang sakit ng kanilang kalooban. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?