48

Nov 3, 2017 @ 17:38

Oversight power ng Kongreso, dapat gamitin sa Malampaya fund

Iginiit ni Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate na kailangan nang gamitin ng Kongreso ang mahigpit na oversight power nito sa pondo ng Malampaya.

Kasunod ito ng natuklasang iregularidad sa paggamit ng mga dating opisyal ng Department of Budget and Management (DBM) sa P38.8 bilyong kita mula sa Malampaya Natural Gas Project sa Palawan mula 2004 hanggang 2012.

Sa 80-pahinang Sectoral Performance Audit report na inilabas ng Commission on Audit (COA), nadiskubre na merong mahigit 22% ng kabuuang P173.3 bilyon na koleksiyon ng gobyerno hanggang noong Hunyo 30, 2013 ang non-compliance sa mga batas at patakaran.

Ayon kay Zarate, ang ganitong mga insidente ang dahilan kaya pinaaamyendahan nila ang Presidential Decree 910.

Inihain ng Makabayan bloc ang House Bill 3877 na layuning lumikha ng Energy Development Board at nag-aatas na ilipat ang
Malampaya Fund sa General Fund.

“So as we can truly see how the fund is being used and appreciate its true value in our national development,” sabi ni Zarate.

Sentimyento pa ng kongresista, kadalasang nagagamit sa kampanya at pork barrel ang pondo ng Malampaya.

“There is no rational use of the funds. Obviously, the past administrations used the Malampaya funds like a secret campaign kitty and a reserve pork barrel,” pagtatapos ni Zarate. (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?