267

Jan 9, 2022 @ 20:01
By

Overreaction ng gobyerno sa Omicron magpaparami sa walang trabaho

Nagbabala si House Committee on Ways and Means chairperson at Albay Rep. Joey Salceda na darami ang mga walang trabaho sa bansa kung magkakaroon ng “overreaction” ang gobyerno sa pagharap sa mas nakakahawang Omicron variant ng COVID-19.

Ayon kay Salceda, ang resulta ng labor force survey noong Nobyembre ay nagpapakita ng tumataas na kumpiyansa ng mga tao na muling magtrabaho at maghanap ng mapapasukang trabaho.

Ang national joblessness rate ay bumaba sa 6.5% mula sa 7.4% noong Oktobre o nadagdagan ng 1.651 milyon ang may trabaho.

Sinabi ni Salceda na kapag bukas ang ekonomiya, nakalilikha ng trabaho ang mga negosyo at maliit lamang ang paggalaw sa presyo ng bilihin.

Kung magkakaroon umano ng overreaction ang gobyerno habang humuhupa na ang epekto ng Christmas season ay maaaring lumobo sa 7.0% ang unemployment rate ng bansa ngayong Enero.

“Jobs are being created, but they are not yet very durable jobs. We will only see more concrete jobs recovery once the COVID overhang is resolved and people are no longer speculating whether more stringent restrictions will be implemented in the future,” sabi ni Salceda.

Ang mabagal na inflation rate o pagtaas ng presyo ng bilihin noong Disyembre ay epekto rin umano ng mas bukas na ekonomiya. Dahil nakakapasok sa trabaho ang mga empleyado nakalilikha ng mga produkto at tumataas ang suplay kaya ang presyo ay hindi halos gumagalaw.

Nakaranas na rin umano ang Bicol at Cagayan Valley ng pagbagal ng inflation rate matapos luwagan ang border control nito at makapasok ng mas madali ang mga produkto.

Pero nakaranas naman umano ng pagtaas ng inflation rate ang Davao at Zamboanga region dahil ang mga lugar na pinagkukuhanan nito ng suplay ay sinira ng bagyong Odette.

Sinabi ni Salceda na ang imprastraktura pa rin na sumusuporta sa food supply system ay lubhang nakakaapekto sa presyo ng bilihin.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?