21
abante dti price train
By

Overpriced na bilihin, ireklamo sa DTI – Lopez

Sharing is caring!

Hinimok ng Malacanang ang publiko na isumbong sa Department of Trade and Industry (DTI) ang mga tindahan at negosyanteng magsamantala sa presyo ng kanilang mga paninda kaugnay sa epekto ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN.

Sa press briefing kahapon sa Malacanang, sinabi ni Trade and Industry Secretary Ramon Lopez na maliit o minimal lamang ang epekto ng bagong pagbubuwis sa mga pangunahing bilihin.

Sinabi ni Secretary Lopez na singko sentimos lang ang epekto ng TRAIN sa mga de lata at kapag sumobra ito ng dalawang piso ay agad na isumbong sa DTI.

“Singko na sentimos lang naman ang impact nito sa isang de lata nga, sabi nga natin, magtataas ka pa ba ng more than five sentimos. Kaya kapag tinaasan nila ng, let say two pesos, pupuntahan natin at hihingian ng eksplanasyon. As to the penalty, ang penalty niyan ay from 20,000 to one million sa bawat tindahan,’ani Lopez.

Magmumulta aniya ang mga mapapatunayang nagsasamantala sa presyo ng mga pangunahing bilihin.

Hinimok ni Lopez ang publiko na itawag sa DTI hotline 751-3233 o 751-0384 ang mga tindahang mataas magpresyo ng mga de lata at iba pang bilihin at kunin ang pangalan at eksaktong lokasyon ng mga ito para agad na mapuntahan ng kanyang mga tauhan.

Kaugnay naman sa hirit ng transport sector na dagdag sa pamasahe, sinabi ni Lopez na dapat ay nasa 8% lang ang maaaring idagdag sa pamasahe sa jeep, taxi at iba pang pampublikong sasakyan.

“Because 2.50 out of 34 pesos sa diesel is only 7 or 8 percent. You apply the 8 percent to the percentage of production cost. assume na natin na 100 percent i-apply natin yung 8 percent.. sa 10 pisong minimum na pamasahe, wala pang 80 centavos in effect yung increase.” dagdag pa ni Lopez.

Bahala na aniya ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na magpasya sa hirit ng iba’t ibang transport groups. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?