10

Jan 25, 2021 @ 15:55
By

Overkill! Vendor kinaladkad parang baboy ng Paranaque enforcer – DILG Usec. Diño

Nilarawan ni Interior Undersecretary Martin Diño na ‘overkill’ ang ginawang paghuli sa isang street vendor ng mga tauhan ng Paranaque Task Force.

Sa panayam ng ‘Balitaan at Kumustahan’ sa Politiko Live kay Dino, kinondena nito ang ginawa ng limang enforcer ng Paranaque matapos na pahigain sa kalsada at nasipa pa ang vendor na ayaw umano ibigay ang kanyang kariton.

“Nakita niyo bang sumuntok ‘yung hinuli nila? Hindi ba nakakapit lang siya doon sa kariton?” lahad ni Diño.

“Bakit kailangan na kaladkarin at bitbitin parang baboy, tapos ihiga sa kalsada, isubsob, tapos may sumipa pa?” aniya pa.

Kung ang DILG official daw ang aaksyon sa naturang insidente, dapat ay binalaan na lang ang vendor at kapag nahuli ulit na sumuway ay dapat idiretso na sa piskalya para maaresto kung hindi susunod sa ipapadalang subpoena.

“I-pacify niyo muna. Hindi kailangan ng ganong pwersa. Maraming diskarte diyan,” sambit pa ni Dino.

Ang mga nasabing enforcer ay suspendido na at puwede pang matanggal sa serbisyo, ayon kay Paranaque Mayor Edwin Olivarez.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?