98
mr-trabaho-joel-villanueva
Jul 29, 2018 @ 13:53
By

Ospital para sa Diabetes, Itatag!

Dineklara pong Diabetes Awareness Week ang ika-apat na linggo ng Hulyo taon-taon sa bisa ng Proclamation No. 213 ni Pangulong Ramos noong 1993.

Ayon sa Philippine Center for Diabetes Education Foundation, tinataya pong may anim na milyong Pinoy ang may diabetes at posible pa itong umakyat sa 12-milyon sa taong 2040 dahilan kung bakit tinagurian pong diabetes “hot spot” sa Western Pacific Region ang Pilipinas.

Lumabas po sa National Nutrition and Health Survey (NNHeS) na isa sa mga major risk factors ng mga Pinoy edad 20 pataas ang sakit na ito dahil nasa dugo o genes po talaga nating mga Pilipino o Asyano ang pagiging diabetic.

Nakakadagdag po sa risk ang lifestyle gayundin ang stress dulot ng mabigat na trabaho, lalo na ang mga BPO workers na naka-graveyard shift at iyong dumaranas ng napakabigat na traffic araw-araw.

Hadlang po ang sakit na diabetes para makuha ng ating mga kababayan ang oportunidad sa kanilang trabaho at kakayahang kumita ng mas malaki.

Ang problema, mababa pa rin po ang diabetes-related health expenditures sa bansa kaya’t nanawagan po ang International Diabetes Foundation (IDF) na dagdagan ng gobyerno ang pondo para labanan ang sakit na ito.

Ito po ang dahilan kung bakit sinumite natin ang Senate Bill No. 1424 o panukalang batas para magtatag ng “Philippine Center for Diabetes and Endocrinoclogy” o PCDE.

Bagamat may pangangalagang binibigay ang ating mga ospital sa mga pasyenteng may diabetes, importante po ang full range ng serbisyo para sa diabetes care, prevention at cure.

Kung mayroon pong specialized institution para sa diabetes metabolism at endocrinology tulad ng NKTI, Philippine Heart Center at Lung Center, mas matututukan po ang problema sa diabetes lalo na ng ating mga manggagawa.

Kaugnay nito, magsusumite rin po tayo ng “Nutritional Labeling and Education Act” sa Senado na mag-uutos naman sa mga fast-food chains at restaurants na ipakita ang calorie content ng mga pagkaing inaalok nila sa publiko.

Importante po ang balanseng diet at pagkontrol sa nakukunsumong asukal o carbohydrates para labanan ang diabetes lalo na’t napakaraming manggagawa ang umaasa sa fast-food dahil limitado lang ang oras ng pagkain o break sa trabaho.

Samantala, hindi po dapat maging dahilan ng diskriminasyon o disqualification sa trabaho ang pagkakaroon ng diabetes.

Sa halip, karapatan po ng mga manggagawang humingi ng bagong shift o change of duty at permiso para sa time-off para makapagpagamot o makakuha ng diabetes training.

Malaking tagumpay po ang pagsasabatas ng Mental Health Law o RA 11036 nito lang nakaraang Hunyo. Isa po tayo sa nagsulong nito sa Senado dahil tiyak po ang pakinabang dito ng mga trabahante.

Tulad ng mental health, mahalaga rin pong matutukan ang diabetes dahil kung iindain ito ng mga manggagawa, maaapektuhan ang kalidad ng trabaho at kung mawawalan sila ng trabaho dahil sa pagkakasakit, mahihirapan din silang makabili ng gamot o suportahan ang pang-araw-araw nilang pangangailangan.

Panahon na po para magtatag tayo ng ospital para sa diabetes upang mapangalagaan ang kalusugan ng mga manggagawang Pilipino at patuloy na umusbong ang magagandang trabaho dito sa bansa.

Job Fair Schedule

LGU Cabusao – PESO Job Fair

Cabusao Sports Complex, New Poblacion

Cabusao, Camarines Sur

July 30

PESO – North Central Mindanao College Job Fair

NCMC Gymnasium, Maranding

Lala, Lanao Del Norte

July 31

Trabaho, Negosyo, Kabuhayan Job Fair

Tacurong City Cultural & Sports Center

Tacurong City

August 2

Local & Overseas Job Fair 2018

Municipal Covered Court, Libungan, Cotabato

August 2

2018 Job Fair sa Aurora

Provincial Capitol Compound

Brgy. Suklayin, Baler, Aurora

August 3

Sa atin pong mga kababayan sa Bulacan, magkakaroon po tayo ng project inauguration ngayong Huwebes, August 2, sa Sta. Cruz, Guiguinto at San Juan, Balagtas. Hinihiling ko po ang inyong pakikiisa. Salamat po.

(senatorjoelvillanueva@yahoo.com)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?