278

Apr 10, 2018 @ 9:03
By

OSG, pinapayagan ng batas na magsulong ng quo warranto proceedings

Bakit nga ba si Solicitor General Jose Calida ang nagsulong ng quo warranto petition laban kay Chief Justice on-leave Maria Lourdes Sereno?

Tanong iyan mismo ni Sereno sa kanyang dinaluhang pagtitipon kahapon kung saan hinamon niya si Pangulong Duterte na sagutin ang kanyang hinala na hindi siya ang nasa likod ng pagpapatalsik sa kanya sa pwesto gayong ang OSG ang nagsulong ng quo warranto.

Pero sa ilalim ng batas partikular na sa ilalim ng Section 1, Rule 66 ng Rules of Court, ang gobyerno sa pamamagitan ng verified petition sa ngalan ng Republika ng Pilipinas ay maaring magsulong ng quo warranto proceedings laban sa isang indibidwal na iligal na nakaupo sa puwesto.

Sa ilalim naman ng Section 2, pinapayagan mismo ang Solicitor General o public prosecutor na maghain ng quo warranto petition kung inutusan ng Pangulo ng Pilipinas, kapag may natanggap na reklamo o kung mayroong matibay na paniniwala ang SolGen o piskal para magsulong ng quo warranto proceedings.

Sa ilalim naman ng Section 3, maari ring isulong ng Solicitor General o piskal ang quo warranto proceedings kung papayagan ng korte kung saan ihahain ang petisyon salig sa kahilingan ng isang indibidwal.

Sa petisyong inihain ni Calida sa Korte Suprema, tinukoy nito na nakatanggap siya ng liham na may petsang February 21, 2018 mula kay Atty. Eligio Mallari na humihiling sa OSG na maghain ng quo warranto proceedings laban kay Sereno.

Saan naman maaring ihain ang quo warranto petition?

Sa ilalim ng Section 7, Rule 66 ng Rules of Court, kung ang Solicitor General ang magsusulong ng petisyon, maari itong ihain sa Regional Trial Court sa Lungsod ng Maynila, Court of Appeals at Korte Suprema.

Kailan naman maaring ihain ang quo warranto?

Sa ilalim ng Section 11, Rule 66, ang petition for quo warranto laban sa isang public officer o employee ay dapat na maihain sa loob ng isang taon magmula sa dahilan ng pagpapaalis sa kanya pwesto.

Sa kaso ni Sereno, ang kinukuwestiyong mga SALN ay lagpas na sa loob ng isang taon, at ang pagkakatalaga niya sa puwesto ay nangyari mahigit limang taon na ang nakakalipas.

Pero naniniwala ang OSG na pasok pa rin sa prescriptive period ang paghahain ng quo warranto dahil ang depekto sa qualification ni Sereno bilang punong mahistrado ay lumitaw lamang naman sa pagdinig ng House Justice Committee noong December 2017.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?