25

Jul 18, 2021 @ 19:36
By

Orihinal na taripa sa imported pork ibalik – Pangilinan

Dahil sa mataas pa rin ang presyo ng karne ng baboy, nais ni Senador Francis Pangilinan na ibalik ang orihinal na 20 hanggang 30 porsyento ang taripa sa imported na baboy para matulungan ang mga hog-raiser na makabawi sa pagkalugi bunsod ng African swine fever (ASF).

“Tatlong buwan na nang ibinaba ang taripa sa baboy, pero mataas pa rin ang presyo ng baboy sa palengke. At hirap pa rin ang mga Pilipinong magbababoy,” sabi ni Pangilinan.

“Mukhang nakalista sa tubig ang pangakong bababa ang presyo ng baboy. Kaya naman sa pagbukas ulit ng Kongreso, ibabalik ko ang panukalang itaas ulit sa original rate ang taripa para sa mga imported na baboy,” dagdag nito.

Sa datos ng Department of Agriculture nitong Hulyo 9, P340 ang kilo ng bawat kilo ng kasim, habang P380 naman sa liempo. Umabot pa ito ng hanggang P400.

“Mataas pa rin ang P380. Bago mag-ASF, mga P240 ang kilo ng baboy. Suportahan natin ang ating mga magbababoy. Bigyan natin sila ng konting laban. Sa taripa natin ngayon, mga importers lang ang masaya. Ang mga Pinoy, pork diet pa rin dahil sa taas ng bilihin,” ani Pangilinan.

Noong Abril, sa pamamagitan ng Executive Order 128, ibinaba ang tariff sa imported pork na may minimum access volume (MAV) sa limang porsyento mula sa dating 30% sa unang tatlong buwan at 10 porsyento sa ikaapat hanggang ika-12 buwan.

Ang taripa sa pork import sa labas ng MAV ay ibinaba sa 15 porsiyento mula sa dating 40 porsyento sa unang tatlong buwan at 20 porsyento sa susunod na siyam na buwan.

Ang kautusan ay inilabas ng gobyerno para mapababa ang presyo nito gayundin ang inflation dahil sa ASF na tumama sa maraming local hog raiser at nakaapekto sa kanilang suplay.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?