215

Jul 17, 2021 @ 19:36
By

Orihinal na PDP-Laban members ‘di OK sa national assembly

Ilang mga miyembro ng PDP-Laban ang hindi natuwa sa idinaos na national assembly ng partido nitong Sabado sa Clark, Pampanga, na para sa kanilay gawa ng mga nagsulputan at baguhang mga miyembro.

Nagdaos ng isang zoom meeting ang mahigit 100 chapter leader ng PDP-Laban mula sa iba’t-ibang bahagi ng bansa kasabay na naturang assembly upang sumalungat sa nangyaring event sa Clark.

Para sa kanila, ilegal ang naging assembly sapagkat hindi ito otorisado ng mga miyembro maging ng party president na si Senador Manny Pacquiao.

Nanawagan si Senador Koko Pimentel na manatili ang mga orihinal na miyembro sa pagsuporta kay Pacquiao.

“Tayo po ay may hinaharap na pagsubok ngayon sa ating partido kaya ang importante ay manatili po tayong malakas at magtiwala sa liderato ng ating partido sa ilalim ng ating presidente na si Senator Manny Pacquiao. Huwag po tayong mag-alala kasi ang talaga ipinaglalaban namin dito ay yung boses po ng ating mga chapter members sa buong bansa,” wika ni Pimentel.

Si Pimentel ay founding member ng partido at kasalukuyang executive vice president.

May ilan pang mga dumalo sa zoom assembly ang hindi kinilala ang legalidad ng isinagawang assembly ng paksyon ni Energy Secretary Alfonso Cusi, na dinaluhan pa ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa naturang assembly sa Clark ay inihalal na party president si Cusi.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?