7

By

Orendain, Araneta ‘gamot’ ng Generika

Sharing is caring!

Matapos ang tatlong sunod na talo, nakasampa na sa wakas sa win column ang Generika-Ayala Lifesavers sa Philippine Superliga All-Filipino Conference.

Tinapos ng Lifesavers sa apat na set ang F2 Logistics Cargo Movers, 19-25, 25-22, 25-16, 28-26, Martes sa FilOil Flying V Centre sa San Juan.

Nanguna para sa Generika si Patty Orendain na may 18 puntos sa likod ng 17 attacks, katuwang si Angeli Araneta na may 15 puntos, 13 attacks at dalawang aces.

Ayon kay Generika coach Sherwin Meneses, pinapaalala niya aniya sa kanyang tropa na laruin lamang nito ang kanilang laro.

“Yung sabi ko naman sa mga player eh, before nga nung nag-start kahit sino naman puwede kaso ayaw ibigay sa amin ‘yung panalo kahit sinong kalaban pwede kaming manalo kasi nagtiyaga naman ‘yung mga player,” wika ni Meneses.

Matatandaan na dalawang five-set match ang nilaro ng Generika – kontra Foton at Cignal – at sa parehong larong ito ay natalo sila.

Sinabi rin ni Meneses na pilit nilang ginagamot ang kanilang pagkakamali na nauungusan pa rin sila ng kalaban sa kabila ng kanilang malaking kalamangan at umaasa siya na mabago nila ito dahil maganda naman lagi ang simula nila.

“Malaking moral sa amin. Kahit natalo kami ng dalawang five-sets mataas pa ‘yung moral eh pero siyempre minsan nagagalit ‘yung last game sana nakuha namin pero natalo na nga, so back to basic lang,” dagdag niya.

“Dapat magtrabaho pa sila, ang hinahabol naman namin hindi ‘yung top eh, makapasok lang sa semifinals or quarterfinals.”

Ito naman ang ikalawang sunod na talo ni coach Ramil de Jesus at F2 Cargo Movers sa liga, na bitbit ngayon ang 3-2 na baraha.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?