101

By

Orange warning level itinaas sa Metro Manila, Cavite at Rizal

Itinaas na ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa orange warning level ang buong Metro Manila, Cavite at Rizal kahapon dahil sa patuloy na pagbuhos ng ulan na dala ng hanging Habagat na hinahatak ng Bagyong Josie.

Kalapit nito ang banta ng pagbaha sa ilang mga lalawigan habang nasa yellow warning naman ang mga bayan ng Bataan, Bulacan, Laguna, Batangas at Northern Quezon.

Kaya naman payo ng PAGASA na makipag-ugnayan ang lahat ng local government units sa kanilang disaster risk reduction and management councils upang makaabtabay sa lagay ng panahon.

Samantala, nagdeklara na Sabado ng hapon ng state of calamity sa bayan ng Licab, Nueva Ecija at ang mga lungsod ng Dagupan at San Carlos, mga bayan ng Bugallon, Lingayen, Mangatarem at Santa Barbara sa Pangasinan, bunsod ng pagbahang dulot ng halos isang linggo ng pag-uulan.

Sabado ng hapon ay agad na isinailalim ni Licab Mayor Femy Domingo ang kanyang bayan sa state of calamity bunsod ng patuloy na pagtaas ng baha dahil sa walang tigil na pag-uulan.

Umaabot na sa mahigit 2,632 pamilya ang apektado ng baha sa Licab maging ang mga pananim na palay at iba pang gulay ay nasira na rin dulot ng pananalasa mga nagdaang bagyong Henry, Inday at Josie.

Ayon kay Mayor Domingo, umabot ng tatlong araw ang kanilang naranasang pagbaha na umanoy taun-taon namang binabaha ang kanilang bayan ngunit hindi nila inasahan ang pagtaas ng baha ngayong taon na dulot ng pag-angat ng tubig sa Labong River at Kaputatan River.

Samantala, nanganganib din ang mga lungsod ng Dagupan at San Carlos, kalapit ang bayan ng Bugallon, Lingayen, Mangatarem at Santa Barbara sa Pangasinan.

Ayon kay Pangasinan-Provincial Risk Reduction Disaster Management Office Information Officer Rondale Castillo, 15 lugar sa lalawigan ang nalubog sa baha kabilang na rito ang Agno, Alaminos, Bautista, Bayambang, Bugallon, Calasiao, Dagupan, Dasol, Lingayen, Malasiqui, Mangaterem, Natividad, Urdaneta, San Carlos at Santa Barbara sa Pangasinan.

Sumabay pa ang pagkasira ng embankment o harang sa Alibago, Santa Barbara na naging dahilan ng pag-apaw ng tubig mula sa Sinucalan River habang patuloy pang mino-monitor ang bayan ng Calasiao dahil sa pag-apaw ng Marusay River na umabot na sa kritikal na antas ang ilog na nasa 10 talampakan na.

Habang matinding pagbaha naman ang problema sa Dagupan City, Pangasinan bunsod ng patuloy na pag-ulan at high tide sa lugar kaya agad na inilikas ang mga apektadong pamilya sa inilaan na evacuation centers.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?