52

Nov 7, 2017 @ 16:39
By

Oral arguments sa war on drugs, itinakda na ng SC

Pagdedebatehan na sa Korte Suprema ang drug war na ikinasa ng administrasyong Duterte na sinasabing nagresulta sa mataas na kaso ng extrajudicial killings sa bansa.

Ito ay makaraang magpatawag ang Korte Suprema ng oral arguments sa mga petisyong inihain ng grupo nina Aileen Almora na kinakatawan ng Free Legal Assistance Group (FLAG) at ng grupo ni Sister Ma. Juanita Dano na kinakatawan ng Center for International Law o Centerlaw.

Sa En Banc Session ng Korte Suprema, iniutos nito ang consolidation sa dalawang petisyon.

Kaugnay nito, inaatasan ng hukuman ang mga respondent sa consolidated petition na magsumite ng kumento sa loob ng sampung araw.

Nagtakda rin ang Korte Suprema ng oral arguments na gagawin sa November 21, 2017.

“The Court…directed the parties in these consolidated cases to COMMENT on the petitions and the prayers for interim reliefs, such as TRO and the writ of amparo, within non-extendible period of ten days from receipt of the order; and to present ORAL ARGUMENTS before the Court En Banc on 21 November 2017, Tuesday, at 2:00 in the afternoon at the Supreme Court En Banc Session,” ang nakasaad sa briefer ng Korte Suprema.

Sa petisyong inihain ng grupo ni Almora, iginiit na unconstitutional ang Command Memorandum Circular No. 16-2016 na inisyu ni PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa noong July 1, 2016 na nagdedetalye ng Project Double Barrel o kampanya ng pulisya kontra iligal na droga.

Kinuwestiyon naman ng grupo ni Dano na kinabibilangan ng mga residente sa San Andres Bukid, Maynila ang umano’y sistematiko at organisadong istratehiya ng pagpatay ng pulisya laban sa mga suspek sa iligal na droga.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?