By

Oral arguments sa drug war, tuloy ngayong araw

Sharing is caring!

Itutuloy mamayang hapon ang ikatlong araw ng oral arguments sa Korte Suprema kaugnay sa ikinasang drug war ng Pambansang Pulisya.

Itutuloy ang paggisa sa kampo ng mga respondent na kinabibilangan nina PNP Chief, Director General Ronald dela Rosa, Manila Police District Director Chief Supt. Joel Coronel, Department of Interior and Local Government (DILG) Officer in Charge Catalino Cuy at iba pang mga miyembro ng PNP.

Ang mga respondent ay idinedepensa ni Solicitor General (SolGen) Jose Calida.

Inaasahang itutuloy ng SolGen ang pagdepensa sa constitutionality ng Command Memorandum Circular No. 16-2016 na inisyu ni Dela Rosa noong Hulyo 1, 2016 na nagdedetalye sa Project Double Barrel o kampanya ng pulisya kontra iligal na droga.

Sa pagdinig mamayang hapon ay inobliga pa rin ng Korte Suprema ang pagdalo nina Dela Rosa, Philippine Drug Enforcement Agency Director General Aaron Aquino at PNP-Internal Affairs Service Inspector General Atty. Alfegar Triambulo.

Sa pagdinig noong nakaraang linggo, nilinaw mismo ni Dela Rosa na hindi siya nagpalabas ng “kill order” laban sa mga drug suspect.

Sumalang din sa pagtatanong ng mga mahistrado si Triambulo, at ayon sa kanya 72 mga pulis na kasama sa operasyon laban sa iligal na droga ang inirekomenda nilang masibak sa serbisyo.

Partikular na dinidinig sa oral arguments ang mga petisyong inihain ng grupo nina Aileen Almora at grupo ni Sister Maria Juanita Daño na parehong humihirit ng writ of amparo dahil sa naganap na mga patayan dahil sa kampanya kontra iligal na droga.(Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?