46

Nov 28, 2017 @ 10:29
By

Oral arguments sa drug war, itutuloy ngayong araw sa SC

Muling isasalang sa pagbusisi ng Korte Suprema ang drug war ng Administrasyong Duterte sa ikalawang araw ng oral arguments sa petisyong inihain ng grupo nina Aileen Almora at Sister Ma. Juanita Daño.

Sa araw na ito, ang panig naman ng Office of the Solicitor General (OSG) ang maglalahad ng argumento para ipagtanggol ang constitutionality ng PNP Command Memorandum Circular No. 16-2016 na nagdedetalye ng PNP Project: Double Barrel kung saan nakapaloob ang Project Tokhang at Project HVT o High Value Target.

Dedepensahan din ng OSG ang DILG Memorandum Circular 2017-112 na nagtatakda ng sistema para sa anonymous reporting ng mga hinihinalang kriminal.

Ilalahad din ng OSG ang posisyon nito sa hinihingi ng mga petitioner na writ of amparo na inilalabas ng korte sa hangad na maprotektahan ang buhay, kalayaan at seguridad ng isang indibidwal.

Inaasahan din ang pagdalo ng mga pinuno ng Philippine National Police sa pangunguna ni Director General Ronald “Bato” Dela Rosa, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Aaron Aquino, Department of Interior and Local Government (DILG) Officer-in-Charge Catalino Cuy, gayundin ang kinatawan mula sa National Police Commission (NAPOLCOM) at hepe ng PNP-Internal Affairs Service.

Nais ng Korte Suprema na himayin kung ang mga kinukuwestiyong memorandum ay lumalabag ba sa polisiya ng gobyerno sa human rights, sa right to life and liberty, right against unreasonale searches and seizures, sa karapatan ng isang taong iniimbestigahan o inaresto, sa karapatan ng akusado, at sa inilatag na pamantayan ng korte sa pagsasagawa ng lehitimong buy-bust operations.

Isinama rin ng hukuman sa deliberasyon ang isyu kung mayruon bang ligal na kapasidad ang mga petitioner para magsulong ng nasabing petisyon, at kung depektibo ba ang mga petisyon dahil sa kawalan ng verification and certification against forum shopping.

Respondents nasabing mga petitition sina PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa, DILG Officer In Charge Catalino Cuy, Manila Police District Director, Chief Supt. Joel Coronel at ang mga dati at kasalukuyang station commander ng San Andres Bukid, Maynila Police. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?