61

By

Oral argument sa drug war, tinapos na ng Korte Suprema

Sharing is caring!

Pinutol na ng Korte Suprema ang oral arguments sa war on drugs ng Philippine National Police (PNP).

Binigyan ng Korte Suprema ang panig ng mga petitioner na kinabibilangan ng grupo nina Aileen Almora at grupo ni Sister Maria Juanita Daño at ang kampo ng mga respondent na kinakatawan ng Office of the Solicitor General ng 60 araw para magsumite ng kani-kanilang memorandum.

Sa pagdinig kanina, binigyang-diin ni SolGen Jose Calida na hindi maaring isapubliko ang hawak na narco list ni Pangulong Rodrigo Duterte, maging ang drug watchlist na hawak ng mga presinto ng pulisya dahil ang mga ito ay konektado sa national security.

Sa pagtatanong ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno, ipinunto ni Calida na hindi maaring obligahin ang Punong Ehekutibo sa pamamagitan ng writ of habeas data para maisapubliko ang drug list.

Tinukoy pa ni Calida na sa ilalim ng Chavez vs PCGG, tinukoy na bukod sa usapin ng national security, hindi rin sakop ng right to information ng mamamayan ang mga “classified law enforcement matters.”

Sa pagtatanong naman ni Associate Justice Noel Tijam, sinabi ni Calida na hindi otomatiko na ituturing bilang polisiya ang mga binibitiwang pahayag sa publiko ni Pangulong Duterte.

Madalas daw kasi ay naglalahad lamang ang pangulo ng tinatawag na “hyperbole” o figure of speech.

Hindi rin umano dapat ituring na anti-poor ang drug war ng kasalukuyang administrasyon dahil may mga shabu laboratory na sinalakay na ang mga otoridad kagaya ng mega shabu lab sa Lalawigan ng Catanduanes.

Sa gitna ng oral arguments, inanunsyo ni Associate Justice Marvic Leonen na ibinalik na muli ng Malacanang ang PNP sa giyera kontra droga.

Kaugnay nito, ipinaliwanag ni Calida na ang kinukwestiyong memorandum circular ng PNP na nagdedetalye sa Project Double Barrel ay may dalawang mukha.

Una ay pagiging makatao, dahil sa pamamagitan umano ng Oplan Tokhang ay hinihimok nito ang mga drug-user na magbagong buhay at sumailalim sa rehabilitasyon.

Ikalawa ay nagbibigay ng mensahe ang Project Double Barrel sa mga drug pusher, drug lord at manufacturer na sila ay pupuntiryahin ng gobyerno. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?