81

Nov 4, 2017 @ 17:57

Oposisyon babandera sa ‘Lord Heal our Land Sunday’

Suportado ng Senate Minority ang kampanya ng Simbahang Katoliko laban sa patayan sa gitna ng war on drugs ng administrasyong Duterte.

Tiniyak ng oposisyon sa Senado na makikiisa sila sa ilulunsad ng mga Obispo na malawakang panalangin na may temang “Lord Heal our Land Sunday” ngayong araw na ito.

“Nagkakaisa kami sa panawagan at pagdarasal na makamit ang hustisya para sa mga naging biktima ng extra-judicial killings, at para sa pagtanto ng ating mga pinuno na hindi karahasan at pagdanak ng dugo ang solusyon sa problema ng iligal na droga,” saad sa pahayag ng Senate Opposition.

Kabilang sa dadalo sa mga martsa sina Senador Francis “Kiko’ Pangilinan, Senador Bam Aquino, Senador Risa Hontiveros at Senador Antonio “Sonny” Trillanes IV.

“Kinikilala namin ang napapanahon at makahulugang pagsisikap ng ating mga prelado na manghikayat at pumukaw sa mga kapwa nating Pilipino upang magprotesta laban sa karahasan at kawalan ng katarungan sa pamamagitan ng mapayapang pagtitipon,” dagdag ng grupo.

Umaasa aniya sila na ang sama-samang panalangin ng Simbahan at ng mga nanampalataya ay magiging daan upang pukawin ang mga lider at ang lahat ng pumapatay sa mga walang laban, na itigil na ang pag-aaksaya ng buhay at baguhin ang kanilang mga pamamaraan. (Dang Samson-Garcia)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?