107

Nov 29, 2019 @ 17:28
By

‘Oplan tubig para sa kinabukasan’ kinasa

Dahil sa nararanasang problema at nagbabadyang kakapusan ng suplay ng tubig, nagsanib-puwersa ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno para sa kampanya hinggil sa responsableng paggamit ng tubig.

Nilunsad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Department of Interior and Local Government (DILG), National Water Resources Board (NWRB), at Manila Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang “Oplan tubig para sa kinabukasan.”

Layon nitong bigyan ng tamang impormasyon ang publiko ukol sa kasalukuyang sitwasyon ng suplay ng tubig sa bansa at himukin ang bawat isa, lalo na ang mga residente sa Metro Manila, Rizal, Cavite at Bulacan, na magtipid sa paggamit ng tubig.

Sa pulong balitaan, sinabi ni MMDA Chairman Danilo Lim, bawat isa sa atin ay nangangailangan ng tubig para mabuhay kaya’t dapat na aniyang umaksyon ang bawat Pilipino kahit sa maliliit na paraan para masigurong may patuloy tayong magagamit na tubig.

Sa datos ng NWRB, nasa mahigit 15 milyong tao ang umaasa sa tubig na mula sa Angat Dam at inaasahan pang tataas ang bilang na ito sa mga susunod pang taon.

Dahil dito, sinabi ni MWSS Administrator Lt. General Emmanuel Salamat na mahalagang matuto ang lahat ng pagtitipid sa paggamit ng tubig lalo’t ilang taon pa aniya ang bibilangin bago muling magkaroon ng bagong pagkukunan nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?