17
Oplan Tokhang
By

Oplan Tokhang, tuloy kahit walang body cams – Bato



Sharing is caring!

Itutuloy ng Philippine National Police (PNP) ang pagpapatupad ng Oplan Tokhang kahit na wala pang body cameras ang lahat ng pulis.

Ayon kay PNP Chief Police Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa, sa ngayon ay nagsasagawa pa ng bidding para sa kontrata sa mga body camera.

Prayoridad naman ng PNP na mabigyan nito ang mga drug enforcement unit na sumasabak sa mga buy-bust operation.

Sa ngayon, meron na aniyang mga body camera ang ilang mga police unit na ipinagkaloob ng mga local government units (LGUs) na maaari nang gamitin. 



Paliwanag pa ng hepe, hindi naman kasi masyadong kailangan sa Oplan Tokhang ang mga body camera dahil hindi naman ‘interdiction’ ang gagawin ng mga pulis. 



Pero kung susundin aniya ang totoong konsepto ng Tokhang, walang panghuhuli na mangyayari, sa halip kakausapin lang ng mga pulis ang mga drug suspects, pero kung manlaban ang mga ito doon na sila aaksiyon.

Sisimulan na sa buwang ito ang Oplan Tokhang matapos pulungin ng PNP-Overnight Committee ang mga police commander para paalalahanan sa mga panuntunan sa pagpapatupad ng ‘bloodless’ Tokhang.

Samantala, alam umano ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang plano ng PNP na muling pagsasagawa ng Tokhang bilang bahagi ng anti-criminality campaign ng pamahalaan.

Ayon sa isang opisyal ng PNP na ayaw na magpabanggit ng pangalan, kasama sa isinasagawang coordinating meeting ang mga opisyales ng PDEA kaya hindi maaaring hindi nila alam ang plano ni Bato na simulang muli ito sa bansa.

Una nang sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, na dapat ay dumaan muna kay PDEA Director General Aaron Aquino ang plano ng PNP hinggil dito, ang ahensiya kasi ang lead agency sa pagpapatupad ng anti-drug campaign ng pamahalaan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?