52

Nov 28, 2017 @ 19:11
By

‘Oplan Tokhang’, hinimay sa Korte Suprema

Para kay Associate Justice Francis Jardeleza, may batayan para mag-isyu ang korte ng temporary restraining order (TRO) laban sa Project Tokhang.

Ang ‘Tokhang’ ang bahagi ng anti-drugs campaign ng Philippine National Police (PNP) kung saan kinakatok ng mga pulis ang mga bahay ng mga drug suspect at hinihimok sila na magbagong-buhay at sumailalim sa rehabilitasyon.

Partikular na pinuntirya ni Jardeleza sa kanyang pagtatanong kay Solicitor General Jose Calida ang Section 3 o “house to house visitation stage” na nasa ilalim ng “Concept of Operations” ng PNP Command Memorandum Circular na nagdedetalye ng Project “Double Barrel”.

Ayon kay Jardeleza, labag ang nasabing probisyon sa Section 2 ng Republic Act 7438 o An Act Defining Certain Rights of Person Arrested, Detained or Under Custodial Investigation.

Hindi umano tumatalima ang “house to house visitation stage” sa kahulugan ng custodial investigation sa ilalim ng RA 7438.

Bilang depensa, sinabi ni Calida na papasok lamang ang RA 7438 kung naimbitahan o naisailalim ang isang indibiduwal sa kustodiya ng pulisya.

Pero giit ni Jardeleza, lumalabas kasi na tila dinala lamang ng pulisya ang kanilang istasyon sa bahay ng isang drug suspect.

Posible rin umano na may paglabag ang ‘Tokhang’ sa karapatan ng isang mamamayan na maging ligtas sa kanilang tahanan.

Naniniwala rin si Jardeleza na dapat maprotektahan sa lahat ng pagkakataon ang karapatan ng mamamayan laban sa unreasonable search and seizure.

Tumagal ng halos tatlong oras ang ikalawang araw ng oral arguments at ito ay ipagpapatuloy sa Disyembre 5 kung saan obligado pa ring dumalo sina PNP Chief Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa, PDEA Director General Aaron Aquino at PNP-Internal Affairs Service Inspector General Atty. Alfegar Triambulo. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?