27

Oplan Tokhang, epektibo – PNP

Sharing is caring!

Malaki ang paniniwala ng Philippine National Police (PNP) na naging epektibo ang Oplan Tokhang sa paglaban sa iligal na droga sa bansa.

Sa datus ng PNP mula Hulyo 2016 hanggang Enero 2017, mahigit isang milyong drug user ang nasagip sa pamamagitan ng Oplan Tokhang.

Ayon kay PNP spokesman Chief Supt. Dionardo Carlos, ngayong muling ibinalik sa pulisya ang kampanya kontra iligal na droga, titiyakin nila na magiging maingat at naaayon sa batas ang mga ikakasang operasyon.

Sinabi ni Carlos na gagamit na rin ng mga body camera ang mga pulis sa pagpapatupad ng Oplan Tokhang, Oplan Barrel Reloaded at Oplan High Value Target.

“Maingat po at naaayon sa batas ang gagawing pagkilos sa mga anti-drug operation ng mga pulis at tinitiyak pong may mga suot silang body camera para maging transparent ang mga pagkilos,” pahayag ni Carlos.

Bukod dito, ipagpapatuloy din ng PNP ang paglilinis sa kanilang hanay para matiyak na walang mahahalong tiwaling pulis sa kanilang mga operasyon.

Kasabay nito, nanawagan si Carlos sa mamamahayag na tulungan silang iulat at ipaunawa sa publiko ang mga anti-drug operation ng mga pulis sa tamang perspektibo. (Betchai Julian)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?