250

Nov 6, 2017 @ 14:09

‘Oplan Greyhound’, muling isinagawa sa QC Jail

Dahil sa nangyaring madugong riot na ikinamatay ng dalawang preso, muling nagsagawa ng ‘Oplan Greyhound’ ang mga tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Quezon City Jail (QCJ) kahapon ng umaga.

Hinalughog ang kulungan ng mga presong may kinaaanibang gang, tulad ng Batang City Jail, Sigue-Sigue Sputnik Gang, Bahala Na Gang at iba pang may tatak na grupo sa QCJ dakong alas-7:30 ng umaga.

Nakasamsam ang mga tauhan ng BJMP ng kutsara, tinidor, tootbrush, tubo, ballpen, kahoy, bato, gunting, martilyo, nail cutter, lighter, wire, charger, cellphone, lagare at iba pa, na maaaring gawing matulis na bagay na makakapanakit ng preso.

Pinalabas ang mga preso sa kani-kanilang mga dormitoryo, kinapkapan at tinipon sa basketball court upang mahalughog ang loob ng bilangguan.

May dalang maso at iba pang gamit ang mga tuhan ng BJMP na siyang ginamit sa pagsira ng kubol na gawa sa kahoy sa loob ng piitan at doon nakumpiska ang ilang matutulis na bagay.

Ayon kay Jail Supt. Emerlito Moral, jail warden ng QCJ, magpapatuloy ang pagsasagawa nila ng Oplan Greyhound sa susunod na mga araw upang matiyak na walang makakapasok na mga ipinagbabawal na gamit sa loob ng piitan.

Magugunita nitong nakalipas na Nobyembre 3, 2017 ay sumiklab ang riot sa QCJ na naging dahilan ng pagkamatay ng dalawang preso na sina Hermano Alfredo, miyembro ng Sputnik Gang at Edmundo Domondon, miyembro ng Bahala Na Gang. (Dolly B. Cabreza/With trainee Bridgette Caminoc)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?