46

Nov 17, 2021 @ 15:41
By

Opisyal ng Pharmally nilayasan kustodiya ng Kamara

Umalis na sa protective custody ng Kamara de Representantes ang executive officer ng Pharmally Pharmaceutical Corp. na si Krizle Grace Mago.

Sa isang virtual interview, sinabi ni House Committee on Good Government chairperson at DIWA Rep. Michael Aglipay na umalis si Mago noong Lunes.

“Nagsulat siya ng letter sa leadership last week na gusto niya nang umalis, so we allowed her she left two days ago,” sabi ni Aglipay.

Naging kontrobersyal si Mago matapos niyang sabihin sa pagdinig ng Senado na maaaring naloko ang gobyerno dahil pinalitan ng Pharmally ang expiration o manufacturing date ng mga face shield na ibinenta sa gobyerno.

Makalipas ang ilang araw ay sumulat si Mago kay Speaker Lord Allan Jay Velasco at hiniling na sumailalim sa protective custody ng Kamara de Representantes.

Sa pagdinig ng komite ni Aglipay, mistulang binawi ni Mago ang kanyang pahayag sa Senado. Ang kanya umanong sinabi roon ay ‘pressured response.’

Samantala, sinabi ni Aglipay na ang ikalawang draft ng committee report sa pagdinig ay pinag-aaralan na ng legal department ng Kamara.

“Kakabigay ko lang kahapon so bigyan natin sila ng mga two to three weeks. So wala pang nakakakita nung report kundi yung Speaker’s office at yung staff ko sa committee secretariat. Masyadong complicated yung mga issues kasi kailangan hindi minamadali pero definitely we will be careful in indicting anybody or recommending charges,” dagdag pa ni Aglipay.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?